MGA LARONG PINOY
Nakakatuwang isipin at balikan ang ating mga kabataang araw na kung saan pakikipaglaro sa ating mga kaibigan ang ating pangunahing libangan. Nakakamiss din pala ang mga panahon na yun, kahit na tirik ang araw at tagiktik ang pawis dulot ng matinding init na nagmumula dito ay tuloy pa din ang laro. Masarap maging bata, masarap maglaro ng ating mga kinagisnang laro.
Natutuwa at napapangiti na lang ako sa tuwing maaalala at makikita ko ang mga kalaro at mga kaibigan ko sa pagkabata. Bigla ko na lang kasi naaalala ang mga panahon na yun, mga panahon na ramdam na ramdam namin ang kamuwangan ng pagkabata. Tuwang-tuwa kami kahit ang dudungis namin dahil sa pawis at dumi ng paligid kasama na rin ang aming mga nilalaro.
HALIMBAWA NG MGA LARONG PINOY
PATINTERO
Binubuo ng tatlo o limang tao ng dalawang grupo. Ang bawat grupo ng isang kupunan ay tatayo sa likod ng mga linyang ginuhit. Ang taya na nakatayo sa linya sa gitna ay maaring tumawid sa mga iba pang linyang ginuhit kaya't napapadali ang pagkakataon na mahuhuli ang kalahok ng kabilang grupo.
Dapat makatawid at makabalik ang mga kalahok ng kabilang grupo na hindi nahuhuli ng tayang grupo. Kapag mayroong nakatawid at nakabalik sa kupunan na hindi nahuhuli ng mga taya ay madaragdagan ng puntos ang kanyang kupunan. Ang mga tumatakbo naman ang magiging taya kung sakaling mayroon isa sa kanila ang mahuli ng kabilang kupunan.
Ang unang kupunan na makakuha sa pinagusapang dami ng puntos ay siyang magwawagi.
LUKSONG LUBID
Binubuo naman ito ng tatlo o higit pang manlalaro at tatalunan ang lubid hanggan kung sin naman ang mataya. Masaya itong laruin. At kadalasang mga batang babae ang lalaro nito.
TAGU-TAGUAN
Ito naman ay binubuo ng dalawa o higit pang manlalaro. At kung sin ang taya ay tatakpan ang kanyang mata at magbibilang habang ang kanyang mga kalaro ay nagtatago. At pagkatapos niyang magbilang hahanapin niya lahat ng kanyang mga kalaro at una niyang makita ay siya namang magiging taya.
Ang mga ito ay isa lamang sa mga halimbawa ng mga sikat na larong pinoy. Masayang balikan ang mga larong ito. Hindi katulad ng saya ng kabataan ngayon na kadalasang puro komyuter ang alam. Sana'y di ito mawala sa ating kultura.